-- Advertisements --

LAOAG CITY – Naging pahirapan ang clearing operations na isinasagawa ng mga kasapi ng DPWH (Department of Public Works and Highways), MDRRMO (Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office), at ibang mga response team sa national highway sa Pagudpud, Ilocos Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Engr. Maria Venus Torio, namumuno sa first engineering district ng DPWH, kahit maalis kasi ang mga lupa sa kalsada ay patuloy naman ang pagguho ng lupa mula sa bundok.

Aniya, mahigit 10 landslide na may lawak na 30-50 meters ang naitala sa hilagang parte ng Pagudpud.

Sa panig naman ni Police Capt. Eduard Santos, hepe ng Pagudpud-Philippine National Police, nasa 10 truckings ang na-stranded sa Barangay Balaoi.

Sinabi nito na minabuting manatili ng mga driver at pahinte ng mga trucking sa loob ng kanilang mga sasakyan imbes na manatili sana sila sa mga home stay ng nasabing bayan.

Ipinaalam na nila sa lalawigan ng Cagayan ang sitwasyon ng highway sa Pagudpud na posibleng magtagal ng dalawang araw kung magpapatuloy ang malakas na pag-ulan.