NAGA CITY – Aabot sa 10 katao ang sugatan sa banggaan ng dalawang bus sa Barangay Agos, Bato, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj Andrew Alcomendas, hepe ng Bato-Philippine National Police, sinabi nito na nabanga ng local bus na minamaneho ng isang Lary Payabe ang likurang bahagi ng Cagsawa bus na minamaneho naman ni Romy Avila habang papahinto sana sa gilid ng kalsada.

Ayon kay Alcomendas, dahil sa bilis ng pagpapatakbo ng Cagsawa bus kaya nito aksidenteng nabangga ang sinusundang sasakyan.

Dahil sa lakas ng impact, nahulog pa sa gilid ng kalsada ang local bus.

Kaugnay nito, nagtamo ng mga sugat sa katawan ang apat na pasahero ng local bus habang anim na pasahero ang sugatan sa Cagsawa bus na agad namang binigyang lunas ng medical team.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa aksidente.