Pinabulaanan ng mga Senador ang panibagong inilabas na 2023 standard map ng China na kung saan nagpapakita ng 10-dash line at inaangkin ang West Philippine Sea bilang bahagi ng Chinese territory.
Ayon kay Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros at Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito, ang China ay talagang delusional.
Tinawag pa ni Ejercito na hilo ang China dahil sa panibagong claim na ito.
Ayon pa kay Hontiveros, wala na sa huwisyo ang China at kung ano-ano na lamang ang ginagawa para mang-akin na hindi naman sakop ng kanilang teritoryo.
Dapat na rin aniyang makipagtulungan ang Department of Foreign Affairs sa National Resources and Mapping Authority (NAMRIA) upang ma-update ang mapa na malinaw na nagpapakita ng exclusive economic zone, continental shelves, at territorial seas sa West Philippine Sea.
Para naman kay Senate President Pro Tempore Loren Legarda, ang China ay nananatiling signatory sa United Nations Conventions on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ayon pa kay Legarda, hindi maaaring hayaan ang anumang aksyon na gagawin ng China laban sa ating mga mangingisda, tropa, mga bangkang naghahatid ng supply.
Kompiyansa naman ang Senadora na maraming bansa ang susuporta sa Pilipinas.
Samantala, para naman kay Senate President Juan Miguel Zubiri, dahil sa panibagong pag-angkin ng China hindi lamang ng Pilipinas maging ang ilan pang bansa, maraming bansa ang papabor sa stand ng Pilipinas na ikondena ang China
Giit naman ni Senador Francis Tolentino, oras na para i-execute ang joint patrol ng Japan, Estados Unidos, Australia, at Pilipinas.
Ayon pa kay Tolentino, maaari pa rin namang maghain ang Pilipinas ng diplomatic protest laban sa China.
Gayunpaman, unahin muna aniyang maipasa ang maritime zone bill bagay na kinatigan ng lider ng Senado.