-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng Department of Interior and Local Government o DILG na iniimbestigahan ang 10 barangay sa Lungsod ng Cagayan de Oro.

Ito’y matapos nakatanggap ng reklamo ang ahensya tungkol sa umano’y anomalya sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno at kapabayaan sa pagpapatupad ng quarantine rules sa kasagsagan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ayon kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, mayroon silang matibay na ebidensya na nagpapatunay na nabigo ang barangay sa pagpapatupad nga physical at social distancing; may mga reklamo na pinili ng opisyal ang pamamahagi ng relief goods; barangay official na nagbebenta ng quarantine pass at Identification Card; at reklamo may kaugnayan sa SAP distribution.

Nagbanta si Diño na mahaharap sa kasong kriminal at matanggal sa puwesto ang mga barangay kapitan na mapapatunayang nasangkot sa anomalya sa SAP.

Patong-patong na kaso ang kakaharapin na kinabibilangan ng falsification of documents at malversation of funds.