Maging ang mga Metro Manila mayors ay tinututulan din ang pagpayag ng IATF sa mga lugar na nasa ilalim ng MGCQ na payagan ng makalabas ng bahay ang mga bata na edad 10-anyos hanggang 14-anyos simula sa Pebrero 1.
Ayon kay Parañaque Mayor Edwin Olivarez ang pinuno ng Metro Manila Council, hindi sila pabor na babaan pa ang age bracket na papayagang magtungo sa mga malls, parke at iba pa.
Kung tutuusin aniya, ang mga bata ay puwede maging superspreaders ng COVID-19.
Tinukoy pa nito na batay sa mga pag-aaral ang mga bata ay malakas ang resistensiya at kung kakapitan man ay minsan ay asymptomatic.
Pero ang masaklap daw nito kapag nakasalamuha na nila ang mga senior citizens katulad ng kanilang mga lolo at lola sa bahay ay doon na naipapasa nila ang virus.
Sinabi pa ng alkalde hindi rin napapahon ang naturang panukala lalo na at nasa Pilipinas na rin ang nakakahawang UK variant ng coronavirus.
Sa Martes ay muling magpupulong ang mga Metro Manila mayors at posibleng kanilang talakayin ang kanilang rekomendasyon na manatili muna ang NCR sa pinaiiral ngayon na GCQ.