-- Advertisements --

Naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng bagong revenue regulation para sa pagpapataw ng 1% withholding tax sa mga online platform at digital financial service providers para makalikom ng karagdagang pondo.

Nakasaad sa ibinabang Revenue Regulation No. 16-2023 na nilagdaan ni Finance Sec. Benjamin Diokno at BIR Commissioner Romeo Lumagui na ipapataw ang 1% withholding tax sa 1/2 ng gross remittances ng mga online platform at digital service providers sa mga seller at merchants ng mga goods at services na ibinibenta o binabayaran sa kanilang platform o pasilidad.

Ipinaliwanag naman ni BIR Commissioner Lumagui na ang revenue collection ay naglalaman ng mga probisyon para maprotektahan ang small players o maliliit na negosyo mula sa karagdagang pasanin sa buwis.

Sa ilalim din ng naturang revenue regulation, hindi ipapataw ang 1% withholding tax kapag ang kabuuang taunang gross remittances sa online merchant o seller ay hindi lagpas sa kalahating milyon.

Ayon sa BIR, magiging epektibo ang pagpapataw ng 1% withholding tax 15 araw matapos ang publication ng revenue regulation sa Official Gazette.