CENTRAL MINDANAO – Grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinurong suspek umano na nagpasabog sa kampo ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang mga nasugatan na sina Staff Sergeant Randy Guleng, detachment commander at CAA Marex Sangcupan, mga tauhan ng 38th Infantry Battalion Philippine Army.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central Commander M/Gen. Juvymax Uy na bigla na lamang umanong pinaputukan ng BIFF gamit ang M203 grenade launcher ang detachment ng Army at Cafgu sa Barangay Labu-labu, Shariff Aguak, Maguindanao.
Dahil sa lakas nang pagsabog ay tinamaan ang mga biktima sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.
Agad dinala ng dalawang sugatan ng kanilang mga kasamahan sa Maguindanao Provincial Hospital at nasa ligtas na ang kalagayan.
Sa ngayon ay naghigpit pa ng seguridad ang militar at pulisya sa Maguindanao laban sa grupo ng BIFF.