CEBU – Isinalaysay ng ina ng isa sa mga tripulante na nailigtas mula sa sumadsad na barko, ang naging karanasan ng kanyang anak
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Ginang Liza Villanueva, Abril 18 nang nakausap nito ang 23-anyos na anak na si Jojie Villanueva kung saan sinabi nito na nakaangkla ang sinasakyang LCT Cebu Great Ocean dahil sa malalaking alon dala ng malakas na hangin dahil sa Bagyong Bising.
Kinabukasan ng umaga nang ipinaalam ni Jojie na inabandona na ang barko dahil tumagilid ito at sa pagkakataong iyon ay nakasuot naman siya ng life jacket habang nakalutang sa dagat.
Mula noong araw ng Lunes, wala nang natanggap na mensahe ang ina kaya labis na nag-aalala lalo’t alam nitong nasa dagat pa ang anak nang huli silang magkausap.
Nakuha lamang ng ginang na kumalma nang malaman nito sa balita na kabilang sa nakaligtas ang anak na residente ng Talisay City, Cebu.
Kaugnay nito, hangad ng ina na magsilbing inspirasyon ang naturang karanasan sa mga pamilya ng mga tripulante na patuloy na hinahanap sa ngayon na hindi mawalan ng pag-asa.
Samantala, nagpaabot na ng tulong ang lokal na pamunuan ng Talisay City, Cebu sa pamilya Villanueva.
Sa Facebook post ni Talisay City Mayor Gerald Anthony “SamSam” Gullas, inihayag nito na pina-trace agad ng lungsod ang ospital kung saan naka-admit si Villanueva na kalaunan ay nalaman na nasa Caraga Regional District Hospital ng Surigao City.
Inihanda ng Talisay City Government ang tulong pinansiyal para sa pagpapabalik ni Villanueva sa Lungsod ng Talisay.