Reading Time: 1 minute

KALIBO, Aklan – Namatay habang ginagamot sa pribadong ospital ang isa sa dalawang Korean national matapos na malunod sa Station 2 Barangay Balabag, Boracay.

Kinilala ang nasawi na si Sanghoon Lee habang patuloy naman na ginagamot ang kasama nitong si Jin Hyeok Lee, kapwa 25 gulang at kasalukuyang nagbabakasyon sa nasabing isla.

Batay sa imbestigasyon ng Malay Police Station, nagkayayaan umano ang dalawa na maligo pagkatapos kumain at bigla na lamang silang tinangay ng malakas na alon sa malalim na bahagi ng dagat.

Kaugnay nito, kaagad umano silang humingi ng saklolo sa oras din na nakita ng dalawang life guards na sina Jeffrey Escasulatan at Teddy Boy Baylosis kaya maagap nilang pinuntahan ang dalawang turista at mabilis na iniahon sa dagat.

Matapos na malapatan ng first aid ay kaagad silang itinakbo sa pagamutan ngunit dahil sa maraming nainom na tubig-dagat si Sanghoon ay binawian rin ito ng buhay makaraan ang ilang minuto.