Inirekomenda ngayon ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) ang pagsibak sa isang pulis at pag-demote naman sa puwesto ng 10 pulis na sangkot sa engkuwentro ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agents noong naaraang taon.
Ang inirekomendang sibakin sa puwesto ay si Police Corporal Alvin Borja na siyang nakitang bumaril sa agent at informant.
Kung maalala, noong Setyembre 2021, naghain ang National Bureau of Investigation (NBI) ng homicide complaint sa Department of Justice (DoJ) laban kay Borja dahil sa pagkamatay ng PDEA agent na si Rankin Gano.
Inirekomenda naman ng IAS ang isang star na demotion sa 10 police officers dahil sa direct assault at oppression.
Sa 41 na sangkot sa insidente ay 11 lamang ang naparusahan.
Pebrero 24, 2021 nang magkabanggaan ang mga personnel ng PNP at PDEA agents matapos ang shootout sa harap ng isangfast food chain sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Nasa apat na katao ang namatay sa naturang engkuwentro.
Nagsasagawa noon ang PNP at PDEA ng anti-drug operations nang mangyari ang insidente.
Nagsampa na rin ang NBI ng criminal charges sa DoJ kaugnay ng madugong shootout sa pagitan ng mga pulis at anti-narcotics operatives.
Ang mga kasong isinampa sa 12 Quezon City police at apat na PDEA personnel ay kinabibilangan ng homicide, attempted homicide, direct assault, falsification of official documents, robbery at conniving with or consenting to evasion.