KORONADAL CITY – Patay ang isang bilanggo habang tatlo naman ang sugatan sa nangyaring rambol ng mga preso sa loob ng South Cotabato Provincial Jail.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Provincial Jail Warden Felicito Gumapac, nangyari ang insidente alas-10:30 nitong Sabado ng umaga sa kalagitnaan ng paglilinis ng mga preso bilang bahagi ng pag-iwas sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Gumapac, bago ang nasabing rambol, nagtalo ang mga inmates na sina Jeffrey Tilo at Regin Montebor ng Selda 11 dahil lamang sa cleaning procedure.

Pagkatapos nito, nagtalo na naman sina Primo Tanauay at Norbel Ali kung saan sumali na rin ang ibang mga preso hanggang sa humantong sa rambulan.

Sa kalagitnaan ng gulo, sugatan sina Emboy Anan, Bai Salimbay, Jezrel Laboga at Randy Austria na kaagad isinugod sa ospital.

Nagtamo lamang ng sugat sina Tanauay, Laboga at Salimbay, ngunit idineklarang dead on arrival si Austria.

Nag-warning shot naman ang mga jail officers upang pahupain ang gulo at isinilid ang mga inmates sa kani-kanilang mga selda.

Narekober naman sa pinangyarihan ng kaguluhan ang ilang improvised bladed weapons.