-- Advertisements --

Kinumpirma ng Antequera Police station na isa ang nasawi sa nangyaring engkwentro kahapon, Mayo 12, sa pagitan ng New People’s Army at 47th Infantry Battalion sa boundary ng Antequera at San Isidro, Bohol.

Batay sa ulat na inilabas, nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad tungkol sa presensya ng hindi bababa sa 5 mga rebeldeng NPA sa lugar kaya agad itong nirespondehan ng mga sundalo at doon na nangyari ang palitan ng putok na tumagal ng humigit-kumulang 15 minuto.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Police Executive Master Sergeant Heracleo Gualde, deputy chief of police ng Antequera Police station, sinabi nitong natukoy ang pagkakakilanlan ng napatay sa pamamagitan ng drivers license na nakuha mula sa bag ng pinaghihinalaang NPA na may nakalagay na pangalang Arthur Inot Lucenario at may adress na Escario Extension Cebu City.

Gumamit pa umano sa pangalang alyas Jasper ang nasawi.

Narekober naman sa encounter site ang isang .45 caliber pistol at mga bala ng AK47.

Sinabi pa ni Gualde na wala naman umanong nasugatan sa panig ng mga sundalo at naniniwala silang may iba pang nasugatan sa mga nakaengkwentrong rebeldeng ngunit nakatakas din.

Wala rin aniyang isinagawang paglikas sa mga residente.

Idinagdag pa nito na ito pa umano ang unang pagkakataon na nangyari ang isang engkwentro sa kanilang bayan.

Samantala, hinimok pa ni Gualde ang mga rebeldeng grupo na sumuko nalang upang maiwasang ang kahalintulad na pangyayari at nanawagan din ito sa publiko na magsumbong sa mga otoridad kung may mga impormasyon kaugnay sa rebeldeng grupo.