-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY -Kontrolado na ng state forces ang kalagayan ng seguridad sa apat na sitio na pinagmulan ng malawakang pagsilikas ng daan-daang pamilya papunta sa sentro na bahagi ng Kadingilan,Bukidnon.

Kasunod ito nang paglusob ng tinatayang 60 na armadong kalalakihan na nagmula sa bayan ng Carmen,North Cotabato sa police patrol base sa Barangay Kabadiangan dahil hindi umano nila gusto na mapasok ng state forces ang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Polie Regional Office 10 spokesperson Police Maj. Joann Navarro na nabanggit tangkang pag-over run ng mga armado sa patrol base ay humantong sa ilang minuto na engkuwentro.

Nag-resulta ito nang pagkasawi ng isang Hilario Campong alyas Judas na kompirmadong nagmula sa North Cotabato.

Napilitan naman ang nasa higit 1,900 na residente o sobra 300 pamilya na lumikas sa mas ligtas na lugar dahil sa takot na maipit sa kaguluhan.

Bagamat kontrolado na ang sitwasyon subalit wala pang abiso na pabalikin na ang mga apektadong pamilya.

Iginiit naman ni Navarro na walang kahit isa sa kanilang mga kasamahan ang sugatan o nasawi habang nilusob ng armadong grupo noong madaling araw ng Lunes.