Isang lalaki ang patay habang 29 na mga kapwa minero ang nailigtas matapos gumuho ang isang minahan sa Victoria, Australia.
Ayon sa Victoria Police, kaagad sinaklolohan ng emergency services ang mga mangagagawa sa Mount Clear sa bayan ng Ballarat, Australia matapos maiulat na nagkaroon ng pagguho sa loob ng mining tunnel.
Halos ilang oras ang itinagal ng rescue team upang hanapin at iligtas ang na-trap na lalaki sa ilalim ng lupa na may tatlong kilometro (1.9 milya) mula sa pasukan ng naturang tunnel.
Dito nakumpirma ng pulisya sa kanilang imbestigasyon na nasawi ang 37-taong gulang na lalaking minero.
Samantala, 27 na manggagawa naman ang nailigtas at idinala sa isang safety pod upang makarekober habang ang isang 21-taong gulang na lalaki naman ay agad na isinugod sa ospital dahil sa malalang kundisyong natamo dahil sa nasabing pagguho.
Sa kasalukuyan, wala pang nagiging pahayag ang Ballarat Gold Mine patungkol sa nasabing insidente.