ROXAS CITY – Muling nakaramdam ng takot ang ilang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Thailand kasunod ng isang insidente na naman ng pamamaril sa shopping mall sa Bangkok, Thailand kung saan isang babae ang patay habang isa naman ang patuloy na ginagamot sa ospital.

Ayon sa report ni Bombo international correspondent Cleo Rose Jondonero, limang taon na ring nagtatrabaho sa Thailand bilang guro, nangyari ang pamamaril sa harap ng isang cosmetic clinic sa loob ng Century The Movie Plaza sa Phaya Thai Road malapit sa Victory Monument at tourist shopping area na Sol Rangnam sa naturang bansa.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad sa Thailand, binaril-patay ng suspek na si Danusorn Numcharoen ang dati nitong asawa na si Piyanut Chatthai, 28, habang nagtatrabaho sa isang cosmetic clinic.

Maliban dito, sugatan din ang 29-anyos na kasamahan nito na si Wilasinee Teepan na binaril din ng naturang suspek.

Patuloy ngayon na ginagamot sa ospital ang biktima.

-- Advertisement --

Nasa kustodiya na rin ng mga otoridad ang naturang suspek.