Nasawi ang isang lalaki habang isa naman ang sugatan matapos bumaligtad ang fuel tanker bandang alas 3:40 ng madaling araw, Enero 3, sa kahabaan ng Barangay Sagay, bayan ng Borbon Cebu.
Kinilala ang namatay na si Carlo Salido, 23-anyos na truck helper at residente ng Sogod Cebu.
Sugatan naman ang driver ng truck na si Romeo Geraldino.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PCpt Derrick Inot, sinabi nitong self-accident ang nagyari.
Sinabi ni Inot na patungong hilang Cebu ang biyahe ng sasakyan para sana babiyahe papuntang Masbate ngunit nawalan ng kontrol ang drayber dahil sa pakurbadang daan.
Lumampas pa sa kalsada ang sasakyan dahil sa madulas na daan sanhi ng naranasang pag-ulan.
Dahil dito, bumaligtad ang tanker kaya naipit si Salido na nakaupo sa tabi ng drayber na si Geraldino nang mangyari ang aksidente.
Inihayag pa ng opisyal ng pulisya na nagdulot ito ng pagtagas ng liquefied petroleum gas mula sa tangke kaya nagkaroon ng re-routing para sa mga sasakyang tutungo sa hilaga at timog na bahagi ng Cebu para makaiwas sa panganib.
Aabutin pa umano ito ng 24 oras bago tuluyang ma-pullout nang tanker.
Paalala pa nito sa mga motorista na dahan-dahan lang at mag-ingat sa pagmamaneho lalo pa’t paiba-iba ang panahon at nagdulot ng madulas na daanan.










