-- Advertisements --
NDRRMC

Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na patuloy pang nadagdagan ang bilang ng mga indibidwal na naaapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Goring sa ilang bahagi ng Pilipnas.

Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng ahensya, sa ngayon ay mayroon nang isang indibidwal ang napaulat na nawawala nang dahil sa pananalasa ng nasabing bagyo.

Habang umabot na sa kabuuang 196,926 katao o katumbas ng 56,410 na pamilya ang apektado ng bagyong Goring sa 832 na mga barangay sa lalawigan ng Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, at Cordillera Administrative Region.

Mula sa naturang bilang, aabot sa 35,095 katao o 9,608 na mga pamilya ang kasalukuyang nanunuluyan ngayon sa 376 na mga evacuation centers habang nasa 13,902 na mga indibidwal naman ang nakikituloy sa ibang lugar.

Samantala, bukod dito ay nakapagtala rin ang NDRRMC ng 134 na mga kabahayan ang nasira kung saan nasa 82 ang partially damaged, habang nasa 52 naman totally damaged.

Habang nasa kabuuang Php41,175,000 na halaga naman na infrastructure damage ang naitala ng NDRRMC sa mga lalawigan ng Cagayan, Mimaropa, Western Visayas, Cordillera.

Aabot din sa 193 flooding incidents, 12 landslides, tatlong buhawi o malakas na mga hangin na dulot ng Bagyong Goring.

Habang nasa kabuuang 54 na mga road sections at 28 tulay naman ang kasalukuyan pa ring hindi madaanan nang dahil sa pa rin sa nasabing bagyo.