CENTRAL MINDANAO – Isyu umano sa alitan sa pamilya ang natatanaw ng mga otoridad sa pamamaril ng dalawang katao sa probinsya ng Sultan Kudarat.

Nakilala ang nasawi na si Budsal Galay, 52, may asawa habang sugatan naman si Amir Aliman, mga residente ng Brgy Tambak, Lambayong, Sultan Kudarat.

Ayon kay Lambayong chief of police, Captain Herman Luna na habang lulan ang mga biktima sa isang motorsiklo mula sa Tacurong City papauwi ng kanilang tahanan ngunit pagsapit nito sa Purok Baganihan, Barangay Kapingkong, Lambayong Sultan, Kudarat ay bigla silang pinagbabaril ng dalawang hindi kilalang suspek gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga namaril sakay ng ibang motorsiklo patungong Sultan Sabarongis, Maguindanao.

Patay on the spot si Galay na tinamaan sa ulo habang agad naisugod sa pagamutan sa bayan ng Lambayong si Aliman at nasa ligtas ng kalagayan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa Lambayong, Sultan Kudarat sa pamamaril sa mga biktima.