-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang isang drug suspect matapos na mauwi sa barilan ang isinagawang buy bust operation sa Barangay Talisay, Tiaong, Quezon.

Kinilala ang suspek na si Wencel Gaspascan, 48-anyos, residente ng Brgy. San Mateo Dolores, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakabili ang nagpanggap na poseur buyer sa suspek ng isang pakete ng pinaniniwalaang shabu gamit ang P500.00 na buy bust money.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing natunugan ng suspek na pulis ang katransakiyon nito kung kaya sinubukan nitong tumakas at pinaulanan pa ng putok ang mga operatiba dahilan upang gumanti rin ang mga ito ng putok.

Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala ng baril ang suspek sa kanyang katawan na agad namang dinala sa ospital ngunit ideklara rin itong dead-on-arrival ng mga doktor.

Samantala, narekober rin sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang nasa humigit-kumulang 1.74 grams na shabu na tinatayang nagkakahalaga ng nasa P35,496.00, apat na fired cartridge, isang live ammunition mula sa Caliber 38 revolver at tatlong fired cartridge mula naman sa 9mm pistol.

Sa ngayon, nagpapadagos pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.