NAGA CITY – Aabot sa P3.4 million ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa drug operation sa Naga City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Enrique “King” Lucero, provincial officer ng PDEA-CamSur, sinabi nitong posibleng planong ipakalat ang nakumpiskang 500 grams na shabu sa gitna ng malaking aktibidad sa lungsod.
Naniniwala rin si Lucero na may koneksyon ang suspek na si Matias Matute sa mga drug lords sa New Bilibid Prision kung saan nanggagaling ang mga drogang nakukumpiska sa Naga at Camarines Sur.
Sa hiwalay na panayam kay Matute, nanindigan ito na hindi talaga siya ang subject ng PDEA kundi ang isang Amy Cuenio na nakisakay lamang aniya sa kanyang minamanehong motorsiklo.
Aminado naman si Matute na dati siyang nasangkot sa pinagbabawal na gamot ngunit matagal na aniyang siyang sumuko sa mga otoridad.
Sa ngayon, nananatili na sa kustodiya ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.
Samantala, epektibo simula ngayong araw ang ipinatupad na gun ban sa buong lungsod kaugnay ng Peñafrancia festival.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga, nabatid magtatagal ng 11 araw ang naturang gun ban hanggang sa Setyembre 22.
Kaugnay nito, nanawagan ang kapulisan sa pangunguna ni P/Col. Felix Servita, City Director ng Naga City Police Office, sa lahat na may-ari ng baril na suspendido muna ang lahat ng Permits to Carry Firearms Outside of Residence.
Ang lahat ng mga law enforcement agencies lamang aniya na mangunguna sa security measures ang papayagang magdala ng baril sa durasyon ng malalaking aktibidad hanggang sa pagtapos ng Peñafrancia festival.