Target umano ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na mabakunahan ang nasa 1.6 milyong residente nito sa loob lamang ng anim hanggang walong buwan sa oras na matanggap na ng lungsod ang bakuna.
Ayon kay Joseph Juico, co-chair ng COVID-19 task force ng Quezon City, gagawin ng lungsod ang lahat upang mabakunahan ang 1.6 milyong residente nito.
Binabalak din aniya nila na magbukas ng 24 vaccine sites na mag-ooperate ng walong oras bawat araw.
Sa ngayon ay aprubado na raw ng Department of Health (DOH) ang 24 na vaccination sites na ito. Tiniyak din ni Mayor Joy Belmonte na sapat ang staff at personnel na itatalaga sa mga nasabing vaccination sites.
Nagpaabot na rin ang ilang religious sector at academic institutions sa Quezon City na handa silang tulungan ang city government ng lungsod sa kanilang vaccination plan.
Dagdag pa ng alkalde na may ilang simbahan na rin ang nag-alok ng kanilang pasilidad para gawing vaccination sites. Gayundin ang mga unibersidad tulad ng Ateneo de Manila University at Sienna College.
Sa kasalukuyan ay nakapagtala na ang Quezon City ng 30,009 COVID-19 cases, na may 1,184 active cases habang mayroon naman itong 28, 023 recoveries at 802 ang namatay.