-- Advertisements --

Karagdagang 1.5 million doses ng COVID-19 vaccine na gawa ng Sinovac ang dumating sa Pilipinas kaninang umaga.

Lulan ang latest batch ng China-made CoronaVac, dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang eroplano ng Cebu Pacific bandang alas-8:00 ng umaga, ayon sa National Task Force Against COVID-19 (NTF).

Sa ngayon, 16 million na ang kabuuang bilang ng Sinovac vaccines ang dumating sa Pilipinas.

Ayon sa NTF, karagdagang 1 million doses pa ng CoronaVac ang inaasahang darating sa bansa sa Biyernes, Hulyo 23.

Sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na ang kasalukuyang supply ng bakuna ng bansa ay sapat hanggang sa kalagitnaan ng Agosto.

Nasa 5 million indibidwal na ang nabakunahan sa bansa kontra COVID-19 hanggang noong Hulyo 20.