Aminado si Department of Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista na 1.5 million pa lang ang nabibigyan nila mula sa 12 million na dapat tumanggap ng social amelioration second tranche.
Ayon kay Bautista, hawak na nila ang pondo na inilaan ng Department of Budget and Management (DBM), ngunit nagiging mabusisi lamang sa pagbibigay sa beneficiaries para matiyak na mapupunta ito sa kwalipikadong tao.
Maliban sa 12 million na target mabigyan, may limang milyon pang nasa waiting list.
Hindi naman nababahala si Bautista sa mabagal na pagsisimula ng distribusyon ng pera dahil sa mga susunod na araw ay inaasahang magiging mabilis na ito dahil sa digital payment system.
Sa pagtaya ng DSWD secretary, sa katapusan ng Hulyo ay nasa 80 porsyento na ang kanilang mabibigyan ng cash assistance.