-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagpaliwanag ang Albay provincial government kung bakit hindi pinapayagang makapasok sa lalawigan ang mahigit 100 na mga Albayano na stranded ngayon sa Camarines Sur at sa Baclaran.

Ayon kay Danny Garcia, tagapagsalita ni Gov. Al Francis Bichara sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nais lamang ng gobernador na maprotektahan laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang nasa 1.3 million na mga Albayano.

Nakiusap ito na magsakripisyo muna sa loob ng 14 na araw ang naturang mga persons under monitoring upang hindi na tamaan ng sakit ang milyon-milyong Albayano, lalo pa at pinadadalhan naman ng lokal na pamahalaan ng supplies ang mga ito.

Aniya, karamihan sa walong positibong kaso sa lalawigan ay galing sa Metro Manila kaya hindi na muna sinusundo ang mga ito kabilang na ang 42 construction workers sa Baclaran church.

Kaugnay nito, nanawagan ng pag-unawa si Garcia na tulungan na muna ang pamahalaan sa paglaban sa COVID-19.

Nabatid na noong nakaraang linggo ay pinapasok pa ang mahigit 300 na mga stranded sa Camarines Sur kahit umiiral na ang lokdown sa lalawigan.

Samantala, magiging mahigpit rin ang lalawigan sa pagpasok ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na una nang dumating sa bansa noong nakaraang mga linggo.