-- Advertisements --

Kabuuang $1.2 billion halaga ng loans mula sa multilateral development banks (MDBs) ang natanggap ng Pilipinas para gamitin sa pagbili at pamamahagi ng COVID-19 vaccines sa buong bansa.

Sa naturang halaga, $500 million halaga ng funding support ang mula sa Washington-based World Bank, habang $400 million na loans naman ang mula sa Manila-based Asian Development Bank (ADB).

Kahapon, kinumpirma ng ADB na ang $400 million loan ay bukod pa sa $300 million funding support mula naman sa Beijing-based Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB), na nauna nang kinumpirma ng China-led MDB.

Ayong kay ADB President Masatsugu Asakawa, “critical” sa mabilis na recovery ng ekonomiya ng Pilipinas ang COVID-19 vaccines.

Kaya sa tulong ng kanilang funding support, umaasa sila na makakabalik sa normal ang buhay ng mga Pilipino sa lalong madaling panahon.

Sa isang panayam, sinabi naman ng World Bank na ang kanilang ipinahiram na pera sa Pilipinas ay sapat para mabakunahan ang 13 percent ng populasyon ng bansa.

Subalit dipende pa rin aniya ito sa magiging resulta ng negosasyon din ng pamahalaan sa mga manufacturers ng bakuna, pati na rin sa vaccine procurement plan ng bansa.

Samantala, ang kabuuang $700 million loan mula sa ADB at AIIB ay gagamitin para mapondohan ang Second Health System Enhancement to Address and Limit Covid-19 sa ilalim ng APVAX (HEAL 2) project.

Sasapat ang halaga na ito para makabili ng nasa 110 million doses ng COVID-19 vaccines para sa nasa 50 million Pilipino.

Sa ilalim ng HEAL 2 loan agreement, ang ADB ang siyang direktang magbabayad sa vaccine suppliers.