-- Advertisements --

Naaresto ang isang 40-anyos na tricycle driver sa isinagawang joint buy-bust operation ng Taguig City Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Maharlika, Taguig.

Kinilala ang suspek bilang residente ng Maharlika Village, na inaresto sa kahabaan ng Mindanao Avenue ng pinagsanib na puwersa ng Taguig Police Substation 7 at PDEA Southern District Office. 

Nakuha mula sa kanya ang apat na knot-tied plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na tinatayang 500 gramo at may street value na ₱3.4 milyon.

Nasamsam din ang marked money na ginamit sa operasyon at ilang personal na kagamitan ng suspek. Isinailalim na sa pagsusuri ng forensic laboratory ang mga nakuhang ebidensya upang makumpirma ang komposisyon ng ilegal na droga.

Ayon kay Taguig Chief of Police PCol. Julius C. Añonuevo, patuloy ang mahigpit na koordinasyon ng pulisya at PDEA sa pagsugpo ng ilegal na droga sa lungsod. 

Binigyang-diin din niya na paiigtingin pa ang mga operasyon sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Lani Cayetano upang mapanagot ang mga sangkot sa ganitong gawain.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng kasabwat ng suspek.