-- Advertisements --

Ipatatawag ng Legislative Energy Action Development o LEAD Council ng Kamara de Representantes ang mga kumpanya ng langis upang magpaliwanag sa hinalang “cartel-like” behavior o sabwatan sa pagtatakda ng presyo ng petrolyo.

 Ayon kay Marikina Representative Miro Quimbo, kailangang linawin ng mga kumpanya kung bakit halos magkakapareho ang kanilang galaw sa presyo sa kabila ng pagiging deregulated ng merkado.

Sa ilalim ng kasalukuyang sistema ay nag-aanunsyo ang mga kumpanya ng kanilang price adjustment tuwing Martes base sa pandaigdigang trend. 

Ayon kay Quimbo ay tila nagiging daan ang sistemang ito para sa cartelization dahil nagagawa ng mga kumpanya na tapatan ang presyo ng bawat isa. 

Iginiit ni Quimbo na bagaman mabuti ang layunin ng Department of Energy na iwasan ang biglaang pagbabago sa presyo ay tila gobyerno na mismo ang lumilikha ng kapaligiran para magsabwatan ang mga kumpanya. 

Bukod sa usapin ng presyo ay kukuwestiyunin din ang hinalang hoarding o pagtatago ng suplay ng mga gasolinahan. 

Napansin ng mambabatas na may mga istasyong nagsasara o nagrarasyon ng langis kahit sapat naman ang suplay dahil hinihintay nila ang pagtaas ng presyo sa susunod na linggo para mas lumaki ang kanilang tubo.