-- Advertisements --

Inihayag ng Office of the Ombudsman na “seryoso” sila sa inihahandang mga kaso laban sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Ito mismo ang binigyang diin ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla sa isinagawang pulong balitaan ng tanod-bayan.

Alinsunod ang naturang pahayag ng opisyal nang iaanunsyo nito ang planong paghahain ng kasong plunder laban sa dalawang naging pinakamataas na lider ng magkabilang kapulungan ng kongreso.

Gumugulong aniya ang kanilang preparasyon upang makasuhan ng plunder sina former House of Representatives Speaker Martin Romualdez at former Senate President Chiz Escudero.

Ayon kay Ombudsman Remulla, may kinalaman ang kaso sa pagkakaroon ng elemento ng ‘conspiracy’ o sabwatan ng mga nabanggit ukol sa pagproseso ng pambansang budget ng bansa noong 2024 at 2025.

Plano at inaasahan maihahain na ng pormal ang kasong plunder laban sa mga dating lider ng kongreso sa susunod ng buwan ng Mayo.

Nang matanong naman ang opisyal kung ano ang nagtulak sa tanod-bayan para mabuo ang kasong plunder, tumanggi ng ilahad pa ito ni Ombudsman Remulla.

Giit niya’y base ang kasong isasampa laban kina Rep. Romualdez at Sen. Escudero sa pahayag ng mga tumestigo sa naganap na imbestigasyon ng senado.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin aniya ang preparasyon ng Office of the Ombudsman upang mailagay ang mga dokumentong kinakailangan at matiyak na mabuo ang kaso.

Habang kanya ring binigyang diin na hindi lamang ito ang kanilang isasampang kaso kundi abangan ang marami pang iba na lalabas ngayong Abril at susunod na buwan ng Mayo.