Kinumpirma ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla noong Lunes na lahat ng fire safety inspectors ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Metro Manila ay pina-relieve sa puwesto bilang bahagi ng malawakang kampanya laban sa korapsyon.
Sa pulong balitaan, sinabi ng DILG chief na layunin ng hakbang na ubusin ang tinukoy niyang “organized crime group” sa loob ng ahensya.
“902 Fire Inspectors NCR, nilagyan namin ng body cam para lahat ng transactions recorded. Anong nangyari? Oo, naka-body cam sila pero hulahan niyo saan ang transaksyon. Sa telepono. Hindi pa rin tumigil,” ani Remulla.
Dagdag pa niya, “I received 10 complaints since na-relieve ko ‘yung fire chief natin. Sawa na ako sa kanila. They are out. There is only one organized crime group in the entire Philippines. Ayan, nasa loob ng BFP. Hindi lahat ng BFP ha, pero nasa loob ng BFP.”
Ayon kay Remulla, nagsampa siya ng reklamo laban sa ilang mataas na opisyal, kabilang ang “chief of all fire chiefs” at 45 iba pa, kaugnay ng umano’y irregularidad sa permits, inspeksyon, at procurement. Binanggit din niya na nakatanggap ng hindi bababa sa 10 reklamo mula nang ma-relieve ang BFP chief, na nagpapakita umano na may ilang inspector na nagpapatuloy sa iligal na gawain kahit na may mga naunang hakbang na isinagawa laban sa kanila.
Nanawagan naman si Remulla sa mga tauhan ng BFP na magkaisa sa reporma at panindigan ang integridad, na binigyang-diin ang kahalagahan ng disiplina at pananagutan sa serbisyo publiko.
“Help me clean up the BFP. Help me make the lives of the Filipino people better. Help me get rid of corruption in our Department. It is not only up to me, kailangan ko kayo,” aniya sa pagtatapos ng Fire Prevention Month.
Kinilala rin niya ang epekto ng reporma sa mga tauhan at kanilang pamilya, ngunit iginiit na ang mahihirap na hakbang ay kinakailangan upang maibalik ang tiwala ng publiko.
“Alam ko naapektuhan ang inyong pagkatao, naapektuhan ang inyong pamilya, naapektuhan ang buong institusyon. Pero lagi niyong iisipin na ginagawa ko ito hindi para sa aking sarili kundi ginagawa ko ito para sa Pilipinas,” dagdag ni Remulla.
















