Kinilala ni Philippine Army (PA) Commanding General Lt. Gen. Antonio G. Nafarrete ang mga sakripisyo at pagpapakasakit ng mga beteranong sundalo at lahat ng mga bayani, kasabay ng ika-84 na pag-alala sa Araw ng Kagitingan (Day of Valor) ngayong araw, April 9.
Sa mensahe ng 3-Star General, binigyang-diin niyang ang sagradong araw ng pag-alala sa kabayanihan ng mga sundalo ay bilang pagpupugay sa lahat ng kanilang isinakripisyo para lamang makuha at matamasa ang kalayaan sa kasalukuyan.
Marami sa kanila aniya ang nagbuwis ng kanilang buhay – isang aksyon na magsisilbing tanglaw ng kadakilaan, karangalan, at pagkamakabayan.
Kasabay nito ay hinimok niya ang mga miyembro ng PA na ituring ang legasiya ng mga sundalo at mga bayani bilang inspirasyon para lalo pang magsilbi nang walang pag-iimbot.
Dapat din aniyang maging gabay ito para tumatag ang commitment ng bawat sundalo para pagsilbihan ang mga Pilipino at protektahan ang buong bansa.
Sa huli, hinimok ng commanding general ang bawat sundalo na baunin ang kabayanihan ng mga nagbuwis ng kanilang buhay upang masigurong ang kanilang sakripisyo ay hindi natatapos sa digmaan, bagkus, magpapatuloy ito sa bawat misyon at serbisyo ng mga sundalong Pilipino. (report by Bombo Jai)















