
Target ngayon ng Philippine National Police na makapagtala ng “zero casualties” sa nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
Inihayag ito ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. kasunod nang isinagawa nitong inspeksyon sa ilang tindahan ng mga paputok sa Bulacan.
Dito ay muling umapela sa publiko ang hepe ng pambansang pulisya na iwasan na rin ang pagtangkilik at pagbili sa mga produktong ito.
Ito aniya ay upang makatulong na rin na kusang tumigil at mabawasan ang mga indibidwal na ilegal na gumagawa nito.
Malaking bagay kasi aniya ang pakikipagtulungan ng taumbayan upang makamit nito ang “zero casualty” o “zero injury” para sa isang masaya at ligtas na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Ito ang dahilan kung bakit nagbigay na rin aniya siya ng direktiba sa buong hanay ng kapulisan na makipag-ugnayan sa komunidad at mga barangay para magbigay ng kamalayan hinggil sa naturang usapin upang maiwasan na rin ang mga hindi inaasahang aksidente na dulot ng ilegal na paputok.
Samantala, matapos ang nasabing inspeksyon ay isa-isa ring ipinakita ni Azurin ang ilang sample ng mga ipinagbabawal na paputok sa bansa tulad ng:
-Goodbye Bading
-Goodbye COVID
-Kwiton Parachute
-Kwiton Bomb
-Kabasi
-Special Pla-pla
-Atomic
-at Coke in Can










