Kinilala ng mga mambabatas na kabilang sa “Young Guns” bloc ng Kamara de Representantes ang magandang pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez kaya naging produktibo ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ngayong 19th Congress.
Iginiit ng Young Guns na ang pamumuno ni Speaker Romualdez ay naging instrumento upang magkaisa ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan at maabot ang kanilang mga napagtagumpayan.
Ilan sa mga lider ng Young Guns sina Reps. Jay Khonghun (Zambales), Paolo Ortega V (La Union), Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur), Jil Bongalon (Ako Bicol Party-list), Rodge Gutierrez (1-Rider Party-list), Pammy Zamora (Taguig), Margarita “Migs” Nograles (PBA Party-list), Cheeno Miguel Almario (Davao Oriental), Ernesto “Ernix” Dionisio Jr. (Manila), Lordan Suan (Cagayan de Oro City), Mikaela “Mika” Suansing (Nueva Ecija), at Inno Dy V (Isabela).
Ayon sa Young Guns ang record-breaking legislative output ng Kamara ay patunay ng sama samang pagsusymikap, kolaborasyon, at dedikasyon ngayong 19th Congress.
Sinabi ng Young Guns na sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez, nagkaroon ng pagkakataon ang mga mambabatas upang umusbong at makapaghatid ng serbisyo sa mga Pilipino.
Batay sa datos, mula Hulyo 25, 2022 hanggang Disyembre 27, 2024, ang mga miyembro ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez ay nakapaghain ng 13,454 panukala— 11,241 panukalang batas, 2,212 resolusyon, at 1,319 committee report.
Naproseso ng Mababang Kapulungan ang 4,760 panukala sa loob ng 178 session days o average na 12 panukala bawat session day.
Kinilala rin ng Young Guns ang mahalagang papel ng mga komite ng Kamara upang maisiwalat ang mga sistematikong isyu at makalikha ng mga panukalang batas na tutugon sa mga ito.
Tinukoy ng grupo ang marathon hearing ng Quad Comm na nag-iimbestiga sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), at ang kaugnayan nito sa kalakalan ng iligal na droga, land grabbing ng mga Chinese nationals, at extrajudicial killings sa madugong war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ang natuklasan sa pagdinig ay nagresulta sa panawagan upang magkaroon ng mas mahigpit na gaming regulations, mas epektibong crime prevention measures, at mga bagong hakbang upang mas maprotektahan ang interes ng bansa at karapatang pantao.
Pinangunahan naman ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang imbestigasyon sa mali umanong paggamit ng kabuuang P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Tinukoy din ng Young Guns ang imbestigasyon ng Quinta Comm, na mas kilala bilang Murang Pagkain Super Committee, na nag-iimbestiga sa agricultural smuggling, price manipulation, at mga kahinaan sa programa ng gobyerno upang malabanan ang kagutuman at maging matatag ang presyo ng pagkain sa bansa.
Sa pagpasok ng 19th Congress sa huling yugto nito, muling iginiit ng Young Guns ang kanilang pangako na maipagpatuloy ang kanilang momentum.