-- Advertisements --

Kinumpirma ng National Security Council (NSC) na positibo sa nakakalasong kemikal na cyanide ang mga dilaw na boteng narekober mula sa Chinese boats na nago-operate malapit sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon kay NSC spokesperson Cornelio Valencia Jr., narekober ng Philippine Navy ang naturang mga bote noong Pebrero 20 at Oktubre 24, ng nakalipas na taon.

Isinailalim ang mga ito sa pagsusuri ng National Bureau of Investigation Forensic and Scientific Research Service.

Ayon sa konseho, ang presensiya ng cyanide sa lugar ay nagtataas ng seryosong pangamba sa mga aktibidad na maaaring maglagay sa mga Philippine Navy personnel sa panganib gayundin sa mga kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.

Nagbabala rin ang NSC official na nasisira ng cyanide ang coral reefs sa palibot ng shoal, na maaaring makaapekto sa structural stability ng BRP Sierra Madre.

Tinawag din ng NSC ang napaulat na paggamit ng Chinese vessels ng mapanganib na substance sa lugar bilang iresponsable at hindi katanggap-tanggap.

Kaugnay nito, inatasan na ang Armed Forces of the Philippines kasama ang Philippine Coast Guard na paigtingin ang maritime domain awareness, palakasin pa ang pagpapatroliya sa lugar at pigilan ang karagdagang pinsala sa kalikasan.