Muling nahalal si Xi Jinping sa ikatlong termino bilang Pangulo ng China sa isinagawang ceremonial vote sa Great Hall of the People sa Beijing.
Aabot sa halos 3,000 miyembro ng rubber stamp parliament ng China na National People’s Congress (NPC) ang nagkaisang bumoto para maging Pangulo ang 69 anyos na si Xi Jinping kung saan wala itong katunggali.
Nakakuha si Xi ng unanimous 2,952 votes na sinundan ng standing ovation.
Bunsod ng muling pagkakahalal ni Xi sa panibagong limang taon, itinuturing ang Chinese leader na longest-serving head of state ng Communist China mula noong taong 1949.
Sa kaniyang panunumpa bilang Pangulo, nangako si Xi na magsusumikap ito para sa pagbuo ng isang maunlad, matatag, demokratiko, sibilisado, mapayapa at modernong socialist country.
Si Russian President Vladimir Putin naman ang unang foreign leaders na nagpaabot ng pagbati kay Xi sa pagkakapanalo nito sa ikatlong termino.
Matatandaan na unang naihalal bilang Pangulo ng China si Xi noong Marso 2013 at naihalal sa ikalawang termino noong Marso 2018