Sa pambihirang pagkakataon, hayagang umalma ang ilang local celebrities matapos batikusin dahil sa kanilang pagkomento sa kasalukuyang mga national issues sa bansa.
Kabilang dito si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach na pinuntirya ng basher pagkatapos niyang himukin ang mga Pinoy na magparehistro para maging botante.
Naloka raw ang 30-year-old half German beauty mula Cagayan de Oro nang sabihan siyang atupagin na lamang ang mabilis na pagpapalit ng boyfriend.
Nagpasaring din ang naturang netizen hinggil daw sa malalaking “papaya” ni Wurtzbach, pero maliit naman ang utak. Gayunman. burado na ang kontrobersyal na tweet.
Nabatid na matapos ang “on and off” na relasyon ni Pia sa Fil-Swiss car racer, kasintahan naman ng pangatlong Pinay Miss Universe ang isang Venezuelan businessman.
Samantala, tulad ni Wurtbach, ipinahayag din ni Liza Soberano ang pagkadismaya sa pagbigay ng full pardon sa Amerikanong sundalong si Joseph Scott Pemberton na pumatay sa transgender na si Jennifer Laude.
Dahil dito, isang netizen ang tumawag sa kaniyang ng “boba” at pinayuhang panindigan na lamang ang acting career kaysa makialam sa current issues.
Maiksing tugon naman ng 22-year-old actress, na nasaktan siya.
Kung maaalala, maging si 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray ay napuna naman ni Senator “Ping” Lacson dahil sa posisyon sa Anti-Terrorism Bill.
Ayon kay Lacson na siyang may-akda sa nasabing panukala, nagtataka siya sa pagkontra ng Bicolana beauty dahil sa katunayan ay mas matindi pa ang batas sa Australia kung saan lumaki ang beauty queen.









