Iginiit ni dating Special Assistant to the President (SAP) Bong Go na nirerespeto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karapatang pantao ng lahat kaya duda siyang gagawin nito ang banta nitong pagsuspinde sa writ of habeas corpus.

Sinabi ni Bong Go, tiwala siyang hindi totohanin ni Pangulong Duterte kung ang pagbabasehan lamang ay mga kritiko ng administrasyon pero ibang usapan na umano kung pumasok na ang usapin sa rebelyon.

Ayon kay Go, sanay ang pangulo sa mga batikos kahit noong alkalde pa ito ng Davao City ay hindi na niya pinapansin ang mga negatibong puna sa kanyang pamamahala.

Binigyang-diin pa ng kanang kamay ni Pangulong Duterte na bahala na ang media kung ano ang pagkakaintindi sa banta ni Pangulong Duterte pero ang mahalaga ay ilabas lamang ang totoo.