Iginiit pa rin ng China na nagsisilbing traditional fishing ground ng mga Chinese fisherman ang pinag-aagawang West Philippine Sea.
Ipinahayag ito ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian bilang tugon sa inihaing diplomatic protest ng Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil pa rin sa ulat na mayroong isinasagawang illegal maritime operations ng nasa mahigit 100 chinese vessels sa Julian Felipe Reefs na sakop naman ng territorial sea ng Kalayaan Island Group.
Ito ay sa kabila ng pag-asa ng China na maipagpapatuloy pa ang maganda at matatag na relasyon nito sa Pilipinas.
Paliwanag ni Chinese Ambassador Huang Xilian, magkaiba ang pananaw at posisyon ng dalawang bansa pagdating sa usapin sa West Philippine Sea ngunit maliit na bahagi lang naman daw ito ng relasyon sa pagitan ng China at Pilipinas.
Samantala, una rito ay nanindigan pa rin sa Pangulong Rodrigo Duterte na hinding-hindi susukuan ng ating bansa ang pinaglalaban nitong sovereign rights sa West Philippine Sea.
Sinabi ito ng pangulo sa kaniyang naging talumpati sa 124th Independence Day rites sa Rizal Park.
Aniya, sa nakalipas na mga panahon na nagsagawa sila ng mga state visits ni Chinese President Xi Jinping ay nilinaw niya dito hinding-hindi maaaring isuko ng ating bansa ang soberanya sa nasabing lugar, kabilang na ang exclusive economic zone sa kadahilanang mahalaga ito sa ating kasaysayan.
Sa kasalukuyan ay wala pa rin namang nagiging tugon ang Embahada ng China sa Pilipinas tungkol naman sa pinakahuling diplomatic protest na inihain ng DFA kaugnay sa maritime activities ng China sa loob ng teritoryo ng ating bansa.