-- Advertisements --

Humingi na ng paumanhin ang World Bank kaugnay sa kanilang report hinggil sa mahinang performance umano ng mga Pilipinong mag-aaral.

Ito’y matapos na ring hilingin mismo ng Department of Education (DepEd) na mag-sorry ang World Bank dahil sa naturang report, na anila’y nakakainsulto at nagpapahiya sa Pilipinas.

Sa isang statement, sinabi ng World Bank na hindi sadyang maagang na-publish ang report at bago pa man nagkaroon ng sapat na panahon ang DepEd na makapagbigay ng kanilang inputs.

Dahil sa pangyayaring ito, pansamantala muna nilang inalis sa kanilang website ang kontrobersyal na report.

Nakipag-ugnayan na rin aniya sila kay Education Secretary Leonor Briones, at umaasa silang hindi madudungisan ang kanilang dayalogo sa DepEd para sa mga pagkakataon at hamon sa sektor ng edukasyon sa Pilipinas.

Kung maaalala sa report ng World Bank, natukoy na 80 percent ng mga estudyante sa bansa ay hindi man lang nakapasok sa minimum levels ng tinatawag na expected proficiency.