-- Advertisements --

Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Labor Advisory No. 12, Series of 2026 na nag-aatas sa mga batang wala pang 15 taong gulang na kumuha ng Working Child Permit (WCP) bago lumabas sa mga vlogs, social media, at iba pang online content.

Nilalayon nitong palawakin ang proteksyon ng Republic Act No. 9231 laban sa child labor at pananamantala sa pamamagitan ng digital platforms.

Kailangang kumuha ng permit kung ang bata ay lalahok sa vlogs at livestreams sa kahit anong platform gaya ng TikTok, Instagram, Facebook at iba pa, gayundin sa digital advertisements at online endrosements, Web Series, Podcasts, at Streaming Services.

Sa ilalim ng batas, bawal magtrabaho ang mga batang mababa sa 15 anyos maliban na lang sa dalawang sitwasyon na nangangailangan pa rin ng DOLE permit: Kung ang bata ay direktang pinamamahalaan ng magulang o legal guardian at pamilya lamang ang kasama sa trabaho. Gayundin, kung ang partisipasyon ng bata ay napakahalaga para sa proyekto.

Mahigpit na ipatutupad ang mga oras ng pagtatrabaho ng bata base sa DOLE Department Circular No. 2: Hindi hihigit sa 4 na oras sa isang araw. Hindi hihigit sa 20 oras sa loob ng isang linggo. Bawal magtrabaho sa gabi o madaling araw (mula 8:00 PM hanggang 6:00 AM) para hindi maapektuhan ang pag-aaral at kalusugan ng bata.

Ayon sa DOLE, ang mga magulang, legal guardians, at mga digital employers/brands ang direktang may pananagutan sa batas. Sila ang dapat mag-asikaso ng permit sa pinakamalapit na tanggapan ng DOLE bago pa man simulan ang pag-shoot o paggawa ng content kasama ang mga bata.