-- Advertisements --

Naniniwala umano ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kahalagahan ng pagiging aktibo ng mga kababaihan sa pakikiisa sa mga polisiya at programa na idinisenyo upang tugunan ang mga pagsubok na dala ng climat change at pandemic.

Sa isinagawang kickoff ceremony celebration ng ahensya para sa National Women’s Month, sinabi ni ENR Undersecretary for Finance, Information System and Climate Change Analiza Rebuelta-Teh na ang mga kababaihan na nasa low-income communities ang pinaka-naapektuhan sa climate change at COVID-19 dahil limitado lamang ang kanilang resources at impormasyon para labanan ang epektoi ng mga ganitong uri ng krisis.

Base aniya sa 2020 report ng international climate research organization Project Drawdown, ang women and girls empowerment sa mga developing countries tulad ng Pilipinas ay nasa ikalawang pwesto sa 76 na solusyong inilatag para kontrolin ang global warming.

Mayroon umanong natural capability ang mga kababaihan na mag-adapt sa climate change, kaya ang pagtuturo sa mga babae tungkol dito ay makakatulong upang mas lalo pa silang maging resilient sa mga ganitong pangyayari.

Dagdag pa ni Teh na malaki ang papel ng DENR sa pagtalakay ng climate change. Ang mga programa raw ng ahensya para sa coastal areas, land, cities, forests, mines at iba pa ay makakatulong umano para protektahan at alagaan hindi lamang ang kalikasan ngunit pati na rin ang kani-kanilang mga komunidad.

Sa selebrasyon ng National Women’s Month ngayong taon ay nais bigyan ng DENR ng importansya ang papel ng mga kababaihan upang magdulot ng pagbabago sa kabila ng climate crisis at COVID-19.