Umapela si House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate sa liderato ng Kamara na bilisan ang pag-apruba sa pending na mga panukalang batas na naglalayong palakasin ang witness at whistleblower protection programs ng pamahalaan.
Kung seryoso aniya ang Duterte administration sa paglaban kontra graft and corruption, dapat na isulong aniya ang pag-apruba sa House Bills 4387 at 4388, na inihain ng Makabayan bloc noong nakaraang taon.
“If the Duterte administration is truly sincere in its corruption drive and is sincerely looking for the truth then it would certify these bills as urgent and move for their immediate approval,” ani Zarate.
Ayon kay Zarate, layon ng mga panukalang batas na ito na maprotektahan ang mga whistleblowers tulad nina Atty. Thorrsson Kieth, Etrobal Laborte at Alejandro Cabading na nagsiwalat ng mga anomaliya at iregularidad sa PhilHealth.
Sa pamamagitan ng mg apanukalang batas na ito, naniniwala si Zarate na mahihimok ang mga whistleblowers na lumabas at isiwalat ang mga kaso ng graft and corruption pati na rin ng iba pang mga krimen na kinasasangkutan ng mga opisyal ng pamahalaan.
Kung maging ganap na batas, sinabi ng kongresista na maiiwasan na ang double standards at special treatment at mapaparusahan ang mga false witnesses at whistleblowers.









