Ibinunyag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na mayroong magandang development sa kaso ng 34 na nawawalang sabungero sa bansa.
Ayon sa kalihim na sa mga susunod na araw ay nakatakda nitong personal na makausap ang isa sa mga saksi sa pangyayari.
Dahil dito ay matatanggal na ang mga haka-haka na bumabalot sa nasabing usapin.
Aminado na mahirap pang makilala ang tunay na nasa likod ng insidente dahil kailangan pang mangalap ng mas mabigat na ebidensiya.
Nakatakdang isampa naman ng DOJ sa Manila Regional Trial Court ang kasong kidnapping at illegal detention sa nawawalang sina John Claude Inonong at limang kasama laban sa anim na security personnel ng Manila Arena.
Hiwalay din na kaso ang isasampa laban sa tatlong pulis dahil sa pagkawala ng isang biktima na si Ricardo Lasco.