-- Advertisements --

Inirekomenda ng Management Association of the Philippines (MAP) ang whole-of-government approach para matugunan ang krisis sa edukasyon sa bansa.

Ginawa ni MAP president Benedicta Du-Baladad ang rekomendasyon matapos lumabas na ang mga Filipino students ay may pinakamababang rating sa reading comprehension. Pangalawang pinakamababa rin ang mga Pinoy sa Mathematics at Science.

Lalong lumala ang sitwasyon ng edukasyon sa bansa aniya, matapos pagbawalan ang mga estudyante sa face-to-face classes at ginamit ang online class bilang kahalili.

Malaking hamon din aniya ang pagpasok ng ibat ibang mga social media platform na nagagamit ng mga estudyante, habang ang mga ito ay nakatutok lamang sa monetization ng kanilang content.

Dahil dito, inirekomenda ng opisyal ang kolaborasyon sa pagitan ng mga Local Government units, Department of Education, at iba pang educational institution, upang matiyak na matutukan ang pag-aaral ng mga ito.

Kaakibat ng nasabing kolaborasyon ay ang pag-monitor ng DepEd sa aktwal na resulta ng performance ng mga estudyante, at pagsasagawa ng sapat na intervention matapos ang mahigpit na monitoring.

Naniniwala ang opisyal na kung hindi matutugunan ang kasalukuyang problema sa edukasyon ng mga kabataan, mauuwi lamang ito sa malawakang krisis sa buong bansa.