Tinutunton na ng World Health Organization(WHO) ang mga pasaherong sakay ng isang flight, mula sa isla ng Saint Helena patungong Johannesburg, na sinakyan ng isang cruise ship passenger na nasawi dahil sa hantavirus.
Ayon sa South African airline na Airlink na nakabase sa South Africa, may kabuuang 82 pasahero at anim na crew ang sakay ng nasabing flight noong Abril 25.
Kabilang sa mga pasahero ang isang babaeng Dutch na ang asawa ay pumanaw rin dahil sa nasabing virus. Ayon sa WHO, lumala ang kondisyon ng babae habang nasa biyahe patungong Johannesburg.
Nauna nang bumaba ang babae mula sa barko sa Saint Helena noong Abril 24 matapos makaranas ng sintomas sa gastrointestinal. Pagdating sa isang ospital sa Johannesburg, binawian siya ng buhay at nagpositibo sa hantavirus.
Ang Airlink ay may isang biyahe kada linggo mula sa nasabing isla na tumatagal ng humigit-kumulang apat na oras.
Samantala, inatasan na ng mga awtoridad sa South Africa ang airline na abisuhan ang mga pasahero upang agad makipag-ugnayan sa kanilang health department.
Pinaghihinalaan ng WHO na posibleng kumalat ang hantavirus sa pagitan ng mga pasahero sa cruise ship na kasalukuyang nakaangkla malapit sa Cape Verde.
Bukod sa mag-asawang Dutch, isa ring German passenger ang naiulat na nasawi. Sa ngayon, may pito nang kumpirmado at pinaghihinalaang kaso ng hantavirus na konektado sa insidente.















