Nangako na raw sa Pilipinas ang World Health Organization (WHO) na makakatanggap ng supply ng bakuna sa COVID-19 ang estado kapag nadiskubre at napatunayan na ang pagiging epektibo nito sa mga tinamaan ng sakit.
“‘Yung WHO, ni-reassure nila tayo last week na gumagawa sila ng mechanism para ‘yung mga countries na sasali doon, matulungan tayo na magkaroon ng equitable distribution ng vaccines,” ayon kay Food and Drug Administration (FDA) director general Eric Domingo.
Pahayag ito ng opisyal sa gitna ng mga ulat na nauna nang umorder ng COVID-19 vaccine ang Amerika at mga bansa sa Europa.
“Ang WHO mismo, meron siyang inisyatibo para magkaroon tayong lahat ng access, lahat ng iba ibang bansa sa iba ibang parte ng mundo,” dagdag ni Domingo.
Una nang sinabi ng FDA chief na may magandang dulot sa bansa ang pagsali nito sa mga international clinical trials. Tulad ng mabilis na access sa madidiskubreng gamot o bakuna, at mabilis na approval nito sa kanilang tanggapan.
Sa ngayon may 163 candidate vaccines daw na pinag-aaralan sa buong mundo. Ang 140 sa kanila ay nasa pre-clinical stage na.
Habang 23 ang nasa ikatlong phase o huling bahagi ng clinical trials.
“Hindi naman lahat ‘yan magsa-succeed. Ang average natin, siguro 7 to 8 percent ng mga candidate vaccines ay nagiging bakuna talaga.”
Ayon naman kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kinausap sila ng Japanese government para hikayating dagdagan pa ang sample size sa clinical trial ng bansa, sa kanilang influenza drug na Avigan.