Posibleng sa huling linggo ng Oktubre magsimula ang clinical trials sa Pilipinas ng mga bakunang pasok sa inisyatibong Solidarity Trials ng World Health Organization (WHO).
Ayon sa Department of Health (DOH), may 34 na bakuna nang pinagpipilian ang WHO para maging bahagi ng malawakan nitong clinical trial para sa mga dinevelop na COVID-19 vaccines.
“Ang sabi nila (WHO) by the first week of September, they will be able to announce already the first selected vaccines na kasama dito sa Solidarity Trials. Second week (of September) they also said that WHO would already announce the selected sites, then tinitingnan natin yung third or fourth week of October, mag-uumpisa kasi sa isang pilot site, tapos all the sites that were identified already isasama na (sa trials proper),” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Una nang sinabi ng Department of Science and Technology (DOST) na ilang barangay sa National Capital Region, Calabarzon at Cebu ang target paggawan ng trials.
Paliwanag naman ni Usec. Vergeire, dadaan pa sa local government units ang negosasyon para matiyak na maipapaliwanag sa komunidad ang proseso.
“This is voluntary so kailangan may mga informed consent tayong kukunin. If they (barangay) would be refusing, ayan yung ating paguusapan with DILG. Kaya kailangan ma-engage muna natin ang community, makausap ang officials ng local government, maipaliwanag natin sa kanila, and then hindi lang mga officials kailangan pati mga komunidad nila ma-inform natin, we can engage them and explain to them the advantages and adverse effects of these vaccines bago natin umpisahan ito.”
Bukod sa Solidarity Trial ng WHO, may Independent Trials din ng mga bakunang dinevelop ng iba’t-ibang bansa.
Dito posibleng pumasok ang Sputnik V ng Russia, at bakuna ng anim na iba pang kompanya na pare-pareho nang nakapag-submit ng kinakailangang dokumento sa aplikasyon ng clinical trial.
Sa ilalim ng Phase 3 clinical trials, higit 1,000 volunteers ang paggagamitan ng bakuna sa loob ng anim na buwan.
Pero paalala ni Dr. Jaime Montoya ng Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD), naka-depende pa rin sa resulta ng trials ang posibilidad na magkakaroon ang bansa ng supply sa COVID-19 vaccine.
“Naka-depende tayo sa bilis at kung ano ang magiging resulta ng mga Phase 3 trials. Kahit maaga sila magsimula hindi nangangahulugan na sila yung maggiging successful na bakuna.”
“Ang importante pa rin dyan ay yung resulta kung ano yung mangyayari kapag binigay ito sa maraming tao, ito ba’y ligtas o totoong epektibo?,” ani Montoya sa panayam ng Bombo Radyo.