Binalaan ng World Health Organization (WHO) ang Department of Health (DOH) hinggil sa implikasyon ng low risk classification sa COVID-19 sa Pilipinas.
Pinunto ni WHO representative to the Philippine Dr. Rabindra Abeyasinghe na may implikasyon ang pagtukoy sa anumang bansa bilang low risk. Iginiit din niya na hindi pa nasa low risk ang bansa sa mga COVID cases sa hinaharap.
Nauna ng sinabi ng DOH na nasa low risk classification na ang trend ng COVID cases sa bansa matapos na makapagtala ng negative growth sa mga kaso at mababang average daily attack rate.
Ngunit babala ng opisyal ng WHO na maaaring magresulta sa pagbaba ng bilang ng mga sumusunod sa public health standards ang pagbibigay ng maling impormasyon sa publiko kaya’t kinakailangan aniya na maging maingat .
Sa katunayan, ang bilang ng nababakunahan sa Pilipinas ay malayo pa sa target rate para mapigilan ang major surges ng COVID cases sa hinaharap bagamat kinikilala naman ng opisyal ang significant progress ng inoculation program ng bansa partikular na sa NCR.
Pinuri naman ni Abeyasinghe ang bansa sa pagpapatupad ng mga kaukulang hakbang upang maiwasan ang local transmission ng mas nakakahawang Delta variant.
Sa pinakahuling datos as of July 5, nakapagtala ang bansa ng kabuuang 19 na kaso ng Delta variant kabilang ang dalawang panibagong naidagdag nitong Lunes.