GENEVA – Nababahala ang World Health Organization (WHO) dahil sa dami ng mga mahihirap na bansa na huminto sa pagbabakuna laban sa COVID-19.
Ayon sa isang opisyal ng WHO, tinatayang 30 hanggang 40 bansa ang hindi pa agad makakapagturok ng ikalawang dose ng AstraZeneca vaccine dahil sa kulang na supply.
“We have a huge number of countries that have had to suspend their rollout of their second doses of vaccine,” ani Bruce Aylward.
Si Aylward ang namamahala sa COVAX Facility, isang mekanismong binuo para sa pantay na distribusyon ng bakuna sa mahihirap na estado.
Kabilang sa mga bansang apektado ng kulang na vaccine supply ang mga nasa Indian subcontinent, sub-Saharan Africa, Latin America, at Middle East.
Isa sa nakikitang dahilan ng WHO sa problema ang hinigpitan na exportation ng India dahil sa naranasan nilang COVID-19 “surge” kamakailan.
Ang Serum Institute of India ang isa sa mga lisensyadong manufacturer ng AstraZeneca vaccine.
“We are now urgently trying to work with AstraZeneca itself, as well as SII, the government in India to restart those shipments so that we can get those second doses into those populations because we are running to a longer interval than we would have liked in that regard,” ani Aylward.
Batay sa datos ng WHO, nasa 1% pa lang ng populasyon ng Africa ang nababakunahan laban sa COVID-19.
Sa huling monitoring ng organisasyon, aabot na sa 177,108,695 ang confirmed COVID-19 cases sa buong mundo.
Nasa 2,378,482,776 doses ng bakuna naman na raw ang natituturok mula sa mga bansa. – with reports from Agence France-Presse, CJY