Aminado ang World Health Organization (WHO) na posible pang magbago ang uri ng sakit na polio sa paglipas ng panahon.
Ito ang tugon ng ahensya matapos ilahad ng Department of Health (DOH) na hindi pa naabot ng bansa ang mataas na polio-vaccination rate sa bansa.
Ayon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe, country representative ng WHO, may tatlong uri ng polio na pwedeng tumama sa tao.
Ang type 1 nito ay nakumpirma mula sa sewage samples ng Maynila, habang ang type 2 naman nito ang natukoy sa Davao.
“The polio case from Lanao del Sur raises the issue on where the virus came from. It is important to have a 95 percent polio vaccine coverage because other people could pick up the virus,” ani Abeyasinghe.
“It is important that those who have been vaccinated be given additional doses to be fully protected.”
Batay sa datos ng DOH, nasa 68-percent ang national average ng polio vaccination coverage.
Hindi naman daw bababa sa 50-percent ang lawak ng mga nabakunahan sa Bangsamoro Region kung saan naitala ang unang kaso ng polio mula taong 2000.
Bagamat sinimulan na uli ng Health department ang pamamahagi ng anti-polio vaccine, aminado ang kagawaran na mababa pa rin mula sa target nitong populasyon ang nagpabakuna.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, maituturing ng epidemic ang isang kaso ng polio sa bansang itinuturing na malaya sa naturang sakit.
“A single confirmed case of vaccine-derived poliovirus 2 (VDPV2) or two positive environmental samples that are genetically linked in different locations is considered an epidemic in a polio-free country,” ani Duque.
Paliwanag ng Centers for Disease Control sa Amerika, naipapasa ang polio kapag ang pagkain, tubig o gamit ay kontaminado ng dumi ng taong infected dito.
Posible rin daw itong maipasa sa pamamagitan ng pagbahing.
Kaya payo ng DOH sa mga magulang, panatilihing malinis ang kapaligiran sa bahay at paghugasin ng kamay ang mga anak bago kumain.