-- Advertisements --

Iniulat ng World Health Organization (WHO) na naitala ang pitong kaso ng hantavirus mula Abril 1 hanggang Mayo 4 habang nasa biyahe ang cruise ship na MV Hondius.

Dalawa ang kumpirmado at lima ang pinaghihinalaang kaso, kabilang ang tatlong nasawi.

Sa isang statement, ibinahagi ni Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus na itinuturing ng WHO na mababa ang panganib ng virus sa pandaigdigang populasyon, ngunit patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon at maglalabas ng mga update kung kinakailangan.

Nakikipag-ugnayan na rin ang WHO sa mga apektadong bansa at sa operator ng barko upang matulungan ang mga pasahero at tripulante.

Kasama sa gingawang aksiyon ang masusing imbestigasyon, pag-isolate at paggamot sa mga kaso, medical evacuation, at laboratory testing upang matukoy ang sanhi at pagkalat ng sakit.

Ang hantavirus ay isang virus na nakukuha mula sa mga daga at maaaring maipasa sa tao sa pamamagitan ng ihi, dumi, o laway ng mga ito. Maaari itong magdulot ng malubhang sakit tulad ng hantavirus pulmonary syndrome o hemorrhagic fever na may kidney complications.